Monday, March 26, 2012

Ang Mundo ng Internet


Nasa ikatlong taon na ako ng hayskul nung nagkaroon ako ng unang account sa isang social netwroking site, ang Friendster. Hindi pa nga ako yung mismong gumawa nun eh. Ginawan pa ako nung classmate ko para man lang daw masabing may Friendster ako at para na din maging “in” sa mga panahong iyon.

Lumaki akong hindi nakadepende ang buhay sa kompyuter at internet. Hindi ako yung tipo ng batang nadik sa kakalaro ng Playstation. Wala kaming ganun sa bahay. Simple lang ang buhay namin. Maaga kaming natutulog ng kapatid ko dahil hindi kami nagpupuyat para maglaro ng mga computer games sa gabi. Maaga din kaming nagigising tuwing weekends at diretso laro sa kalye pagkatapos mag-agahan. Natatapos ko ang mga takdang-aralin sa tulong ng lola ko at ng mga libro sa bahay tulad ng “The Book of Knowledge.” Pati nga ang paggawa ng mga reports at essays ay isinusulat ko pa muna sa papel. Pagkatapos ay pupunta na ako sa kompyuter shop at mag-eencode ng trenta minutos hanggang isang oras. Mahina pa ako sa pagta-tayp nun. Hindi rin ako magaling sa pasikot-sikot ng internet.

Hayskul na ako nang natuto akong gumamit ng Microsoft Office at pati na ng internet. Nung una ay nahihiya pa ako sa mga kamag-aral ko kasi bago yung mga bagay na yun sa akin. Pero hindi ako nag-iisa. May mga kamag-aral din akong hindi bihasa sa internet. Kami yung mga taong malayo sa lungsod at nakatira sa bayan.

Namuhay ako sa mundong ang kompyuter at internet ay hindi pa gaanong kailangan sa buhay. Nakita ko pa ang mundo bago naging laganap ang internet. Nagkaroon pa ako ng kabataang kaiba sa meron ngayon, kabataang makulay at puno ng mga kapanapanabik na karanasan.

Napagtanto kong maari nga kaming tawaging 0th generation, ang mga taong ipinanganak noong late 1980s at early 1990s. Ito ang panahon kung saan nagsimula palang maging laganap ang paggamit ng kompyuter, internet, at iba pang mga gadgets. Ang negative generation ay yung mga taong namuhay sa mundong wala pang gaanong high-tech devices. At ang positive generation naman ay yung mga batang namumuhay sa mundong meron tayo ngayon.

Ayon sa Moore’s Law, ang bilang ng transistors na maaring ilagay sa isang integrated circuit o mas kilala sa tawag na microchip ay dumodoble sa bawat ika-dalawang taon. Ayon naman sa Intel executive na si David House, dumudoble ang chip performance sa bawat ika-labing walong buwan. Ang chip performance na ito ay nangangahulugan ng kombinasyon ng epekto ng pagkakaroon ng maraming transistors at ng bilis na naidududlot nito sa isang device. 

Kapansin-pansin ang pagbabago ng teknolohiya sa loob ng sampung taon. Dati eh sobrang laki pa ng mga telepono at ng mga kompyuter. Lumiit, naging slim, at mas naging portable ang mga ito. Ang buhay ngayon ay kaiba sa buhay na nakagisnan ko noon pagdating sa paggamit ng mga teknolohiyang ito.

Dati rati, sandamukal ang mga bata sa labas ng bahay. Naghahabulan, nagbabahay-bahayan, nagtataguan, nadadapa, nag-aaway at nag-iiyakan dahil sa natalo sa Patintero, tumbang-preso o kaya naman ay nagkapikunan lang talaga. Hindi na kelangan na magtext pa o magtweet para magkita-kita ang mga bata. Pagsapit ng alas kwatro ng hapon, pagkatapos ng siesta at merienda, eh pakonti-konting ng nagsisilabasan. Para bang nasa sistema na ito.

Nagkausap ang mga tita ko sa telepono. Nagkwento sya tungkol sa mga anak niya. Sabi ng tita ko, siya na lang daw yung maingay sa bahay nila. Nakakabingi na raw yung katahimikan. Tuwing darating sya eh maabutan nya ang dalawa nyang anak, isang sampung taong lalaki at isang labing-tatlong taong babae, sa kani-kanilang kwarto. Parehong nakaearphones at tutok na tutok sa laptop. Hindi na raw nakakausap dahil sa pareho silang abala. Napakarami nya raw biniling libro para sa mga bata pero hindi rin man lang nabvubuklat dahil mas inaatupag pa ang pag-iinternet. Ang dinadahilan pa eh educational naman daw ang Youtube dahil ginagamit nya ito para manuod ng mga music videos. Kapag wala naman sila sa harap ng laptop eh PSP naman ang hawak. Hindi naiba ang mga pinsan ko sa iba pang mga bata ngayon.

Maraming tao ang naadik sa internet lalo na sa online gaming. DOTA. Ito ang isa sa mga usong-usong laro hanggang ngayon. Akala ko eh isang malakig biro lang yung sinasabi nilang ito din yung isa sa mga dahilan kung bakit naghihiwalay yung mga may relasyon. Totoo pala talaga ito. Nagkwento sakin yung kaibigan ko dati. Kapag nag-duDOTA daw yung isang tao, hindi mo yan pwedeng maistorbo. Hindi yan pwedeng mag-text o gumawa pa ng ibang bagay. Gumagawa sila ng sarili nilang mundo at espasyo. Nauubos ang oras nila sa sobrang pagkahumaling nila na umaabot sa puntong nakakalimutan na nila ang iba pang bagay. May mga nabasa na din akong ilang news article tungkol sa mga gamers na namatay dahil sa pagod, gutom, at kakulangan sa paggalaw.

Bukod sa mga ito, naging malaking tulong din ang internet sa pagpapalaganap ng kaalaman. Isa na itong "educational tool" na ginagamit sa mga paaralan. Ito ay naglalaman ng malawak na impormasyon sa kahit anong bagay. Ang mga paaralan sa elementarya ngayon ay nagtuturo na rin kung paano gamitin ang computer at ang mga kilalang work processors tulad ng MS Office. Naalala ko pa nga yung isang beses na tinuruan pa ng pinsan kong nasa elementarya ang nanay niya kung paano gumamit ng yahoomail.

Dahil na rin sa internet, ang distansya ay hindi na gaanong hadlang sa komunikasyon sa pagitan ng mga taong nasa magkaibang bansa. Skype, Facebook, Twitter, Blogspot, Youtube. Ito ang ilan sa mga nangungunang social networking sites sa mundo. Naging daan ito upang maipahayag ng isang tao ang kanyang mga nararamdaman o saloobin ukol sa mga samu’t saring isyu, maaring personal o kaya naman ay sosyal. Naging lugar din ito ng palitan ng mga ideya. Kumbaga, naging ekstensiyon ito ng tinatawag nating “public realm.”

Umpisahan natin sa Youtube. Hindi lamang mga music videos at nakakatawang videos ang makikita natin dito. Nariyan ang mga VLOG o video blogs at mga short films. Ilang araw ang nakalipas nung inilabas ang videong pinamagatang “20 Reasons Why I Hate the Philippines” na ginawa ng isang banyaga. Gagawa dapat ako ng reaksyon ukol dito matapos na mabasa ang mga komento ngunit laking gulat ko na lang ng tinaggal ito sa Youtube. Maraming tao ang nagalit dahil sa mga masasamang sinabi ng banyaga ukol sa Pilipinas. May mga Pilipino ring sumang-ayon dahil sa alam nilang totoo naman talaga ang mga sinabi niya. Masakit lang talagang aminin ang katotohanang hindi maganda.

Isa rin sa mga naging mainit na paksa noong mga nakalipas na linggo ang Kony 2012 sa direksyon ni Jason Rusell ng Invisible Children. Ito ay tungkol sa isang Ugandan warlord na nagngangalang Joseph Kony. Sa loob ng dalawang linggo, humakot ito ng 85,460,779 views. Naging laman ito ng Facebook at Twitter ilang araw mula ng ma-i-upload ito sa Youtube.

Kung iyong mapapansin, dahil sa sunod-sunod na pambabatikos, 
ang pagkokomento sa video ay ipinagbawal na.
Ang pinakapunto ng video ay ang mas maipakilala sa mundo kung sino si Joseph Kony nang sa gayon ay mabigyan ng karampatang aksyon ang mga karumal-dumal na ginawa nya. Siya ang puno ng Lord's Resistance Army. Dinudukot niya ang mga bata at ginagamit silang mga sundalo. Ang mga batang babae ay pinagsasamantalahan din niya pati na ng mga kasamahan niya. Ang unang reaksyon ko ukol sa isyung ito ay awa at inis. Naawa ako sa mga batang naging biktima at nainis kay Kony. Matapos makita ang reaksyon ng iba pang mga nakapanuod ng video na nagsasabing scam lang daw iyon, agad akong napaisip. Totoo nga kaya ang mga nakalagay sa video? Ano nga ba talaga ang motibo sa likod ng film na iyon? Nasagot ang tanong ko sa pamamagitan ng research. Nalaman kong 32% lang pala ng lahat ng donasyon noong huling taon ang naibigay sa Africa. Ang rating din nila sa Charity Navigator ay 2/4 stars lamang. Ilang blog posts at video blogs din ang nagsilabasan, ang iba ay sumusuporta at ang iba naman ay tumutuligsa.

Maganda ang kanilang hangaring mapunan ng impormasyon ang mga tao ukol kay Joseph Knoy ngunit nakakapagtaka lang ang klase ng "marketing" na ginagawa nila. Sa ngayon ay marami-rami na ang nakabili ng tinatawag nilang "kit." Ito ay naglalaman ng t-shirt na may mukha ni Kony, mga posters, bracelet, etc. Naging kwestyonable lamang ito dahil sa lumabas na 32% lamang ang naibigay mula sa mga perang nakalap nila nung huling taon. Bukod pa rito, sa artikulong "Make Kony Famous? No thanks, says Uganda" ng Visiblechildren.tumblr.com, hindi raw naging sensitibo at nagbigay ng konsiderasyon sa mga nararamdaman ng mga biktima ang mga merchandise at video. Ikatutuwa raw ba nila ang pagiging instant celebrity ng isang most wanted criminal dahil sa ito ang naging "icon" at sentro ng buong kampanyang ito. Ang mga biktima dapat ang mas pinagtuunan nila ng pansin.

Ang may-akda ng blog na ito ay umani ng maraming mambabasa. Nasa ikalawang taon pa lamang sya ng Political Science at ang katotohanang ito ang ginagamit na panlaban sa kanya ng Invisble Children PR Firm. Hindi raw nararapat na bigyan ng ganitong atensyon ang manunulat. Tama bang pagbasehan ang edad para pakinggan ang opinyon ng isang tao? Kapag bata ba, wala na agad karapatang mapakinggan? Sa kabila ng mga batikos sa kanya, patuloy pa rin ang pagsusulat niya ukol sa Kony 2012.

Naging mainit din ang nakalipas na Student Elections sa UP. Hindi naging ganoon kalinis ang pangangampanya. Sa tatlong taon ko sa UP, ngayon ko lamang ito naramdaman. Ngayon din lang naman talaga ako sobrang nakilahok. Maraming mga black propaganda ang nagsilabasan. Ayon pa nga sa ibang mga manunulat, hindi raw ito paninira dahil ito ang katotohanan. Umikot sa Facebook ang mga posts tungkol sa mga kumakandidato. Kanya-kanyang share naman ang mga ng mga artikulong sa tingin nila ay tama at may magandang punto. Maraming mga bagay ang naisiwalat. Ang isyu ni Martin Loon sa attendance, sa ACLE, at sa pagiging independent candidate, ang bribery ng ALYANSA, ang isyu ukol sa Financial Statement ni Aman Melad, at kung anu-ano pa. Ang Factcheck Diliman, isang page sa Facebook, ang  naging tambayan ng maraming isko sa panahon ng kampanya. Ito ang naging lugar kung saan binatikos at sinuportahan ang mga kandidatong tumatakbo. May mga taong naglakas-loob na gumawa ng post. Karamihan sa mga ito ay ang mga mismong taga-USC pa. Kung susuriin, ang totoong sinisiraan nila ay ang institusyong kinabibilangan nila. Anong ginagawa nila sa USC? Nagpaplastikan lang ba sila? Nag-aaway away? Totoo nga kayang hindi nakakaapekto ang kulay sa pagtatrabaho nila? Naguluhan ako sa kung sino talaga ang nagsasabi ng katotohanan.

Dahil sa patuloy na pagsubaybay ko sa eleksyon sa facebook, napaisip na ako kung karapat-dapat pa nga bang bumoto kung ganoon lamang ang nangyayari. Bilang mga iskolar ng bayan, mas nararapat lamang na ang sistema ng kampanya ay hindi kagaya ng nakikita natin sa National Elections, madumi at magulo. Nakakalungkot kung gagayahin lang natin ang kultura sa labas. Karapat-dapat na tumiwalag tayo sa maduming pangangampanya at sa paghihilahan pababa. Ipakita ang serbisyong nararapat ibigay ng isang Iskolar para sa bayan. Mas higit pa tayo sa magagarang damit, sa dami ng mga campaign materials, sa kulay, at sa mga catchy tag lines. 

Ang internet ay isang malaking portal na puno ng impormasyon. Marami kang makukuha mula rito, maaring mabasa, mapakinggan, o mapanuod. Tunay ngang naging ekstensiyon na ito ng public realm. Sa dinami-rami ng mga impormasyong tumatambad sa atin sa araw-araw, nararapat lamang na maging kritikal tayo sa pagsuri dito. Hindi sapat na umoo lang tayo palagi sa kung ano ang nababasa, naririnig o nakikita natin. Hindi laging tama ang mga ito. Hindi rin sapat ang pagbabasa ng isa o dalawang artikulo hinggil sa isang isyu. Kelangan ang maigting na pagreresearch at pagtingin sa iba pang aspeto nito. Ang opinyon ng ibang tao ay maari din nating tignan at pagbasehan ng ating mga opinyon. Kagaya ng lecture ni Professor David tungkol sa pagiging isang intelihenteng mamayan ng bansa, nararapat lamang na magsalita, makinig, at umaksyon tayo. Gamitin natin ang resources na meron tayo ngayon lalung-lalo na ang internet.

Ikaw din ay may kapangyarihang isiwalat ang iyong stand ukol sa mga bagay-bagay. Nabuhay tayo sa mundo, hindi para maging  kritikal lamang, kundi para magbigay din ng kontribusyon sa pamamagitan ng ating mga opinyon. Mas magiging kapaki-pakinabang ang ganitong diskurso kung ang magiging paksa ay ang mga bagay na may kahulugan at kabuluhan at hindi iyong mga tsismis tungkol sa mga artista at iba pang hindi naman nararapat na pagtuunan ng lakas at oras. Hindi rin akma ang basta-bastang pagbibitaw ng mga salita. Mas maigi kung ito ay mula sa sariling karanasan o kaya ay may mga pinagbatayan. Huwag natin sayangin ang pagkakataong ito para makialam at makilahok!

Hindi natin maikakailang may mga masasamang epekto ang internet. Nagdudulot din ang ibang social networking sites ng cyber bullying at pagkasira ng isang tao. Ilang blog din ang binatikos ng mga tao dahil sa pagpapahayag nila ng masasamang saloobin sa mangilan-ngilang unbersidad. Nangyayari din ang pag-aaway away ng mga estudyante ng mga unibersidad dahil sa mga birong hindi namang intensyong makasakit. Nangyari ito sa UPCAT page ng facebook na hawak ng mga estudyante ng Comm 3 at hindi naman ng administrasyon ng UP. Nagdulot ito ng hidwaan sa pagitan ng ilang estudyante ng UP at UST. Sa totoo lang, ito ang isa sa mga bagay na walang kabuluhang pagdebatehan, kung anong eskwelahan ang mas magaling. May kanya-kanya namang forte ang mga unibersidad at kung tayo ay may bukas na isip, hindi isang simpleng post ng estudyante ang magiging dahilan ng pagkawala ng kredibilidad ng isang unibersidad.



Kung gagamitin lang natin sa tamang paraan ang internet, mas maraming magagandang bagay ang maidudulot nito. Kung ginagamit natin ito para maipahayag ang mga saloobin nating makakatulong sa pagpapabuti ng mundo, ng unibersidad o ng kapwa-tao at kung ikaw rin ay nakikilahok sa mga importanteng diskurso at madalas ang pagbabasa ng mga artikulo o panunuod ng mga videong may katuturan, siguradong magiging malaki ang kontribusyon mo. Maari mo itong gawing isang ehersisyo upang maging isang intelihenteng mamayan ng bayan. Maituturing ko ding magical ang mundo ng internet dahil mas nagkakaroon ng lakas ng loob ang mga tao sa pagpapahayag ng kanilang sarili, ngunit ating pakatandaan na hindi tayo maaring mamalagi sa virtual world na ito. Ang mga natutunan natin dito mula sa ibang tao ay nararapat lamang na dalhin natin sa ating totoong mundo, sa ating totoong realidad. Narito ang mga hamon na ating dapat na harapin.


Sources:

0 comments:

Post a Comment

Powered by Blogger.

Holaaa

Hi there! This is my second blog. If you're here because I gave you my URL or you know my primary blog, then you're one of my closest friends whom I'm eager to share my plans and dreams with! If you're a stranger who just happen to pass by, good day to you sir! Welcome to my dream blog! :)

Dream Blog Eh?

This was originally made for my journal entries in Sociology 10. I was really thinking of having another blog for my dreams/goals/aspirations in life. So instead of deleting this site, why not make it my dream blog? My primary blog for my sentiments in life and this blog for my purely ambitious and happy thoughts. Happy reading!

Read more about this blog here.

PS: I also wrote some trivia about myself! :)

Past Posts

Every great dream begins with a dreamer. Always remember, you have within you the strength, the patience, and the passion to reach for the stars to change the world (Harriet Tubman).